Si Aling Dionisia, ang ulirang ina ng iniidolo ng bayang Pilipinas na si Manny Pacquiao, ay opisyal ng taga-endorso ng Bandera (Balita, Buenas, Chika). Namataan kamakailan ang malaking patalastas ni Aling Dionisia sa pahayagang Libre (isang libreng tabloid ng Philippine Daily Inquirer). Nabalitaan dati ang pag-ayaw ni Aling Dionisia sa pagpasok sa larangan ng showbiz dahil sa mga tsismis na agad kumalat na may relasyon daw ang Donyang ina ng pinakatanyag na boksingero sa kanyang DI (Dance Instructor). Pinasinungalingan naman ito ni Aling Dionisia. Palaban pa nga itong nagsabi na wala itong katotohanan at di rin daw totoo ang paghingi ng batang DI sa kanya ng ilang milyong piso. Talaga nga namang nanalaytay sa dugo ng mga Pacquiao ang pagkahilig sa pagpasok sa showbiz. Tulad ni Manny na sumabak na din sa pelikula, telebisyon at politika ay maaaring unti-unting pasukin na din ni Aling Dionisia ang mga ganitong larangan. Matatandaang sumikat si Aling Dionisia at nabigyan ng pansin dahil sa kakatuwa niyang mga interview sa telebisyon noong una siyang nakapunta sa bansang Amerika noong kasagsagan ng laban ng ating pambansang kamao na si Manny Pacquiao kay Ricky 'The Hitman' Hatton. Marami ang natuwa sa kanyang paglibot, pamimili at pagdiskubre sa mga lugar sa bansang Amerika. Sinubaybayan din ang kanyang mga pag-indak ng ipinagdiwang niya ang kanyang engrandeng kaarawan. Walang masama kung ipagpapatuloy ni Aling Dionisia ang kanyang pagsabak sa larangan ng showbiz. Sana nga ay matuloy ang pagtatambalan nila ni Anabelle Rama sa pelikula na napapabalitang may pinaplanong pamagat na 'Monster Mom 2'. Napapabalita nga lamang na tutol sa komedyang pelikula si Aling Dionisia at mas nagugustuhan nito ang mga madamdaming mga pelikula o kaya nama'y yaong may mga maaksyong eksena.

0 comments