Isang milyong mga bagong botante ang nagparehistro mula Disyembre 2008 hanggang Marso 2009 ayon sa tanggapan ng Komisyon ng Eleksyon. Ayon sa Komisyon ay mayroon ng 44 Milyong botante ang kasalukuyang nakarehistro sa kanilang talaan. Ang kanilang target ay 50 Milyong botante sa pagtatapos ng taong kasalukuyan. Ito naman daw ay kaya pang maabot ayon sa Komisyon. Halatang marami sa ating mga kabataan ang nagnanais na magkaroon ng mga mahuhusay na lider sa susunod na eleksyon. Marami ang nakikilahok at may pakialam sa sistemang politikal sa ating bansa. Marahil ay marami na din ang nasasabik sa isang automatikong eleksyon na pilit na isinasakatuparang ng Komisyon ng Eleksyon sa pamumuno ni Chairman Melo. Sana ay magtuluy-tuloy pa ito at maihalal ng ating taong bayan ang mga karapat dapat na mga lider sa puwesto. Ayon nga sa mga eksperto, kinakailangan ng 25 na taon bago maghilom ang mga sugat na tinamo ng isang demokrasyang nasadlak sa kapahamakan (sa ating bansa, ito ay nagalusan noong rehimen ni Marcos kung saan ang ating bansa ay sumailalim sa madilim na pamamahala ng batas militar). Sana ay magkatotoo ang pagprogreso ng ating bansa na magsisimula sa isang tapat at malinis na gobyerno na siyang mag-aakay sa marami nating mga kababayan tungo sa isang maunlad na lipunan.

0 comments