Grabe na nga at lumalala na ang pagkalat ng kinatatakutang trangkaso na AH1N1 o Swine Flu sa ating bansa. Pati sa mga malalayong pook tulad ng Jaen, Nueva Ecija ay napababalita na ding may mga kaso ng trangkasong AH1N1. Kamakailan ay nagkaroon na nga ng deklarasyon ng pangkomunidad na pagkalat ng nasabing trangkaso sapagkat napakaraming mag-aaral sa elementarya ang nagpakita ng mga simtomas ng trangkaso at pati na din sa mga iba pang mga residente ng naturang lugar ay tila nahawa na din. Sa kamaynilaan naman ay patuloy na dumarami na din ang nag-uulat ng mga kaso ng trangkasong AH1N1. Nandiyan ang siyudad ng Makati na napaulat na may anim na kaso. Sinabi naman ng alkalde ng Makati na gagastusan nila ang pagpapabakuna ng mga empleyado ng tanggapan ng siyudad. Ngunit ang bakunang ito ay pang-ordinaryong trangkaso pa lamang. Sapagkat ang bakuna kontra sa trangkasong AH1N1 ay kasalukuyan pa lamang na sinasailalim sa pagsusulit upang matiyak ang bisa nito. Ang higanteng kumpanyang pang-gamot na Novartis ang unang kumpanya na nakagawa ng nasabing bakuna. Binabalak naman nilang isapubliko ang pagbenta ng nasabing bakuna sa mga susunod na buwan. Ang aking pagdasal lamang ay sana hindi naman gaanong lumala pa ang pagkalat ng kinatatakutang trangkaso at makabili din ang ating gobyerno ng sapat na bilang ng bakuna laban dito upang tuluyan ng mapawi ang pangamba ng mga tao.

0 comments